Sinibak sa puwesto ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang ilang tauhan ng ahensya na umano’y sangkot sa pagprotekta sa mga kolorum na sasakyan.
Sa isang pulong balitaan, sinabi ni MMDA Acting Chairperson Atty. Don Artes na walang hinihinging pera at walang kinalaman ang MMDA sa ilegal na pagbiyahe ng ilang kolorum na sasakyan sa Metro Manila.
Kasabay nito ay inanunsyo ng opisyal na may ilang tauhan na ng MMDA Anti-Colorum Unit ang ni-relieve na sa puwesto.
Sa ngayon, nagpapatuloy aniya ang imbetisgasyon ng ahensya kaugnay dito.
Ayon kay Artes, asahan na mas magiging maigting ang operasyon ng MMDA laban sa mga kolorum na sasakyan ngayong taon. Natukoy na rin anila ang mga ruta ng mga kolorum na sasakyan.
Wala naman ibinigay na bilang si Artes kung ilang tauhan ang sinibak at anong klase ng sasakyan ang mga sangkot sa issue. | ulat ni Diane Lear