Iniulat ng PNP Anti-Cybercrime Group (ACG) na tumaas ang kaso ng ‘fake booking scam’ nitong ikalawang linggo ng Marso.
Ayon sa ACG, mula sa normal na isa hanggang anim na kaso ng naturang scam mula Enero, tumaas sa 10 kaso ng ‘fake booking scam’ ang naitala nila nitong ikalawang linggo ng Marso.
Dahil dito, umabot sa 43 na kaso na ang kanilang naitatala mula sa simula ng taon.
Ayon sa ACG, ang pinaka-pangkaraniwang biktima ng ‘fake booking scam’ ay mga food delivery rider.
Sa ilalim ng scam, mag-oorder sa pamamagitan ng cash-on-delivery (COD) ang suspek at pagdating sa designated delivery address ay magiging “unreachable” na ang nag-order at hindi na makapagbabayad pa.
Payo ni ACG Director PMGen. Sydney Sultan Hernia sa mga potensyal na target ng scam, i-check maigi ang orders bago ito tanggapin.
Maigi rin umanong suriiin ang lahat ng detalye at tumanggap na lang ng online payments.
Para naman sa mga nabiktima ng scam, maiging mag-report sa mga pulis para sa documentation. | ulat ni Leo Sarne