Posibleng ma-defer o ipagpaliban na muli ng Commission on Appointments (CA) ang ad interim appointment ni BGen. Ranulfo Sevilla, Deputy Commander ng
AFP Special Operations Command sa Fort Magsaysay, Nueva Ecija.
Ang deferment ng appointment ni Sevilla ay bunga ng pagpapahayag ng pagtutol ni Mrs. Tessa Luz Ausra Reyes-Sevilla dahil umano sa pagkukulang ng heneral sa responsibilidad nito bilang asawa at ama.
Bago sumalang sa CA panel si Sevilla, humarap sa mga mamamahayag si Gng. Sevilla at inilahad na nambubogbog aniya ang heneral at hindi nagbibigay ng sustento sa kanilang dalawang anak.
Nagpasalamat naman si Gng. Sevilla at pinakinggan ng CA panel ang kanyang pagtutol.
Hinimok rin nito ang iba pang mga asawa ng mga sundalo na nakakaranas ng pang-aabuso na huwag matakot at lumaban para sa kanilang mga anak.
Binigyang diin naman ni Senate President Juan Miguel Zubiri ang kahalagahan ng magandang karakter ng mga appointees sa sasalang sa CA.
Binahagi rin ni Zubiri na base sa napag-usapan ng CA committee, kailangan munang gumawa ng legal na kasulatan si General Sevilla na magpapatunay na magbibigay na ito ng tamang sustento sa kaniyang pamilya.
Ang naturang dokumento ay isusumite sa AFP para maipatupad bago muling pag-usapan sa CA ang kaniyang promotion.| ulat ni Nimfa Asuncion