Tinalo ng ‘lambanog’ ng Pilipinas ang mga sikat na inumin mula sa iba’t ibang bahagi ng mundo matapos nitong masungkit ang ikalawang pwesto sa listahan ng ‘Best Spirits in the World’ ng international food and travel website na TasteAtlas.
Ayon sa inilabas na ranking ng TasteAtlas, tinalo ng lambanog ang ilang mga kilalang inumin mula sa ilang bansa tulad ng Bourbon ng USA na nasa ika-44 na pwesto, Soju ng South Korea na nasa ika-40 pwesto, Tequila ng Mexico sa ika-30 pwesto, at ilan pang inumin mula Europa, Africa, at South America.
Tinanghal namang best spirit ang Speyside Scotch ng Scotland dahil umano sa floral at fruit to rich and spicy na katangian ng nasabing inumin.
Inilarawan naman ng TasteAtlas ang Lambanog bilang clear, colorless, at matapang na inumin na may alcohol content na umaabot sa 40 porsyento at karaniwang ginagawa sa probinsya ng Quezon.
Karaniwang nagmumula ang lambanog sa mga puno ng tuba, niyog, at sasa, at dumadaan sa proseso na bahagi na ng tradisyon na ipinasa sa bawat henerasyon ng mga magsasaka sa mga lugar tulad ng Quezon na may mga malalawak na plantasyon ng niyog.| ulat ni EJ Lazaro