Bumuo ng mga plano ang Pamahalaang Lungsod ng Malabon para paghandaan ang epekto ng El Niño sa lungsod.
Layon nitong matulungan at matiyak ang kaligtasan ng mga residente sa gitna ng nararanasang El Niño.
Ayon kay Malabon City Administrator Alexander Rosete, inatasan na rin ang iba’t ibang departamento para tugunan ang mga pangangailangan ng mga Malabueño kaugnay sa epekto ng El Niño.
Bilang bahagi ng paghahanda ng Malabon LGU, bumuo rin ito ng El Niño Task Force na titiyak na maipatutupad ang mga contingency at response plans ng lungsod.
Nagpaalala naman ang Malabon LGU sa mga residente nito na magtipid at maging masinop sa paggamit ng tubig.
Inaasahan namang patuloy na mararanasan ang El Niño sa bansa hanggang sa Mayo, ayon sa PAGASA. | ulat ni Diane Lear