Inaasahan na ni AGRI Party-list Representative Wilbert Lee na darami ang trabaho sa mga probinsya at coastal communities kasunod ng pagsasabatas ng Philippine Salt Industry Development Act.
Ayon kay Lee, maliban sa libo-libong trabaho na bagong malilikha ng batas, madadagdagan din ang kita ng mga salt farmers.
Tinataya aniya na nasa 3,000 hanggang 5,000 na trabaho ang malilikha ng muling pagbuhay sa pag-aasin, lalo na sa rural areas.
Maliban dito, hindi na rin aniya kailangan pang umasa ng Pilipinas sa pag-aangkat ng asin.
Sa kasalukuyan kasi, 90% ng salt requirement ng bansa ay inaangkat.
Pagbibigay-diin naman nito na hindi natatapos sa pagkakalagda ng batas ang trabaho ng pamahalaan dahil kailangan aniya na masiguro na tama itong maipatutupad.
Kailangan aniya na makahikayat ng mga mamumuhunan, tulungan ang pagpapataas sa produksyon ng asin lalo na sa mga natenggang salt farms, at palakasin ang market linkages.
“With proper monitoring and implementation, we can achieve our ultimate goal to be salt self-sufficient and become a net exporter of salt. We can now avoid having to import 500,000 metric tons of salt every year, or more than 90 percent of the country’s salt requirement,” ani Lee. | ulat ni Kathleen Jean Forbes