Tiniyak ng Task Force El Niño na hindi magkukulang ng suplay ng tubig sa buong Mega Manila ngayong umiiral pa ang strong and mature El Niño sa bansa.
Sinabi ni Task Force El Niño Spokesperson at Presidential Communications Office Assistant Secretary Joey Villarama, mayroon nang 137 mga deep wells na iba’t ibang lugar sa NCR at Rizal ang nakahanda na ngayon para pagkuhanan ng suplay ng tubig ng dalawang water concessionaire kung kinakailangan.
Sabi ni Villarama, ang back up o contingency plan na ito ay bahagi lamang ng whole of government approach na direktiba ni Pangulong Ferdinand R Marcos Jr para harapin ang negatibong epekto ng El Niño sa bansa.
Aniya, bagamat mayroon nang projection ang PAGASA Weather Bureau na papahina na ang El Niño Phenomenon pero giit ng opisyal hindi ito dahilan para magpakampante ang gobyerno.
Ayon kay Villarama, wala pa ang peak ng pagtama ng El Niño at patuloy pa ring mararanasan ang kawalan ng ulan at mainit na panahon sa bansa.
Sa ngayon ay limang mga bayan na sa Occidental at Oriental Mindoro ang nagdeklara ng State of Calamity habang mahigit 65 mga probinsya na sa buong Pilipinas ang apektado ng kawalan ng ulan at mainit na panahon dahil sa El Niño.| ulat ni Rey Ferrer