Patuloy ang paghahatid ng tulong ng Department of Agriculture (DA) sa mga magsasakang naapektuhan ng El Niño.
Katuwang ang Presidential Communications Office (PCO), kamakailan lang ay pinangunahan ng DA ang pagbisita sa mga sakahan sa Oriental Mindoro at pamamahagi ng tulong sa mga apektadong magsasaka.
Pinangunahan ito nina DA Undersecretary for Operations, Roger Navarro, kasama si Assistant Secretary U-Nichols Manalo, at PCO Assistant Secretary Joey Villarama.
Ayon sa DA, nasa 100 magsasaka sa Brgy. Teresita sa Mansalay ang pinagkalooban nito ng financial support.
Kabilang ang ₱250,000 inisyal na tulong mula sa Agricultural Credit Policy Council para sa 10 magsasaka.
Tiniyak ni Usec. Navarro na wala nang sisingiling interes sa loan ng 3,000 na apektadong magsasaka sa Mansalay at Bulalacao, na ito ay maaaring bayaran sa loob ng tatlong taon.
Bukod naman sa financial loans, nakahanda na ring mamahagi ang DA ng mga binhi ng palay, mais, gulay, at fuel assistance para sa mga magsasaka. | ulat ni Merry Ann Bastasa