Umaasa ang mga nagtitinda ng baboy sa Pasig City Mega Market na makabawi sa kanilang benta sa mga susunod na araw o linggo.
Ito’y dahil sa nananatiling matumal ang bentahan ng karne ng baboy dahil sa mahal na presyo nito.
Sa pag-iikot ng Radyo Pilipinas, sinabi ng ilang nagtitinda ng baboy na nasa ₱60 kada kilo ang itinaas ng karne ng baboy mula sa kanilang puhunan na ₱280 kada kilo.
Kaya naman ang bentahan gaya ng sa Pork kasim, nasa ₱320 ang bentahan nila nito sa kada kilo habang sa liempo naman ay naglalaro sa ₱340 hanggang ₱350 ang kada kilo.
Dagdag pa nila, natatalo rin silang mga nagbebenta ng sariwang karne ng baboy ng mga nagtitinda naman ng frozen na mas mababa ng ₱100 kumpara sa kanilang itinitinda.
Kung dati kasi ay kaya nilang makaubos ng dalawang katay ng buhay na baboy, sa ngayon ay hanggang kalahati na lang ang kanilang nauubos.
Dahil dito, ilang mamimili ang lumilipat muna sa gulay dahil sa mas mura ito kumpara sa baboy bagaman may ilang bumibili nga ng baboy pero “pang-sahog” lamang ang kanilang kinukuha. | ulat ni Jaymark Dagala