Tuloy-tuloy pa rin sa kaniyang trabaho si Philippine National Police (PNP) Chief, P/General Benjamin Acorda Jr.
Ito ang tinuran ni PNP Public Information Office Chief, P/Colonel Jean Fajardo kasunod ng napipintong pagtatapos ng extension ng PNP Chief sa March 31.
Sa katunayan, sinabi ni Fajardo na nakatakdang mag-ikot ang PNP Chief sa iba’t ibang areas of convergence gaya ng mga paliparan, pantalan gayundin ang mga terminal ng pampublikong sasakyan.
Kasabay naman ito ng ginagawang paghahanda ng PNP para sa turn-over ceremony na karaniwan naman sa hanay ng Pulisya sa tuwing magpapalit ang liderato nito sa March 27.
Magugunitang pinalawig ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang termino ni Acorda hanggang March 31 ng taong ito mula ang kaniyang nakatakda sanang pagreretiro noong December 3 ng nakalipas na taon.
Gayunman, sinabi ni Fajardo na si Pangulong Marcos pa rin ang may solong kapangyarihan para magpasya sa anumang magiging kapalaran ni Acorda kung palalawigin pa ang kaniyang termino o papalitan na ito.
Bagaman kuwalipikado ang lahat ng mga heneral na pumalit kay Acorda sa puwesto, matunog pa rin ang mga pangalan nila Deputy Chief PNP for Administration, P/Lt. Gen. Emmanuel Peralta at NCRPO Director, P/Maj. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr.
Gayundin nila Directorate for Operations Chief, P/Maj. Gen. Ronald Lee; Directorate for Comptrollership Chief, P/Maj. Gen. Jose Francisco Marbil, at SAF Director, P/Maj. Gen. Bernard Banac. | ulat ni Jaymark Dagala