Papayagan pansamantala ng ng Metropolitan Manila Development Authprity (MMDA) ang mga provincial bus na dumaan sa EDSA mula ngayong araw, Marso 23 hanggang Abril 2.
Inaasahan kasi ng MMDA ang pagdagsa ng mga biyahero ngayong nalalapit na Semana Santa.
Ayon kay MMDA Acting Chairman Atty. Don Artes, makakadaan sa kahabaan ng EDSA ang provincial buses mula alas 10 ng gabi hanggang alas 5 ng umaga.
Ang mga provincial buses mula sa North Luzon ay hanggang sa terminal lang sa Cubao, Quezon City.
Ang mga provincial buses naman galing South Luzon ay hanggang sa Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX) at terminal sa Pasay City.
Una nang inihayag ng MMDA na magde-deploy ito ng 2,274 tauhan sa mga pangunahing kalsada, transportation hubs, at iba pang pangunahing lugar sa Metro Manila upang tiyakin ang kaligtasan at kaginhawaan ng publiko sa paggunita ng Semana Santa.| ulat ni Rey Ferrer