Magkakaiba ang posisyon ng mga senador sa panukalang palakasin at itaas ang bilang ng reserve force ng bansa sa pamamagitan ng pagsasabatas sa Mandatory ROTC, sa gitna na rin ng magkakasunod na tensyon sa West Philippine Sea.
Para kay Senate Minority Leader Koko Pimentel hindi na kailangang gawing mandatory ang ROTC at sa halip ay maglagay na lang ng elective ROTC subjects at kurso sa kolehiyo.
Aniya, dito ay mas lalaliman ang kaalaman at kakayahan sa pagdepensa ng bansa ng mga mag-aaral na kukuha ng kursong ito.
Si Senador Francis Tolentino naman, suportado ang panukalang buhayin ang mandatory ROTC bilang bahagi ng defense program at pangkalahatang pagdidisiplina sa ating mga kabataan.
Paliwanag ni Tolentino, kung talagang gusto nating tumulong sa bansa ay isang tamang paraan ang pagpapalakas ng ating reserve force. | ulat ni Nimfa Asuncion