Aminado ang ilang mga tsuper ng jeepney sa Marcos Highway sa Marikina City na bitin ang ipinatupad na katiting na rollback sa presyo ng mga produktong petrolyo ng mga oil company ngayong araw.
Sa pagtatanong ng Radyo Pilipinas, sinabi ni Mang Arman na welcome naman sa kanila sa tuwing magbabawas-presyo ang mga produktong petrolyo.
Pero sana naman aniya, ginawa nang ₱1 hanggang ₱2 ang tapyas-presyo upang madagdagan naman ang kanilang kita.
Matumal aniya ang biyahe sa ngayon dahil na rin sa matinding lagay ng trapiko, dahilan upang mabawasan ang kanilang pag-iikot sa kanilang ruta.
Nabatid na batay sa anunsyo ng mga kumpaniya ng langis, ₱0.25 sentimos kada litro ang bawas presyo sa Diesel; ₱0.50 sentimos naman ang bawas presyo sa kada litro ng Gasolina, habang may ₱0.30 sentimos kada litro ang tapyas sa Kerosene. | ulat ni Jaymark Dagala