Nakatakdang magpulong ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at Metro Manila Council (MMC) sa susunod na linggo upang talakayin ang pagpapatupad ng single-ticketing system.
Ito ay matapos na ilabas ng Korte Suprema ang desisyon nito na nagbabawal sa Metro Manila local government units (LGUs) na mag-issue ng ticket sa mga mahuhuling motorista.
Ayon kay MMDA Chairperson Atty. Romando Artes, kahapon lang nila natanggap ang deisyon ng Korte Suprema at walang nakasaad na ito ay final at executory.
Kaugnay nito, sinabi ni Artes na sa ngayon ay maaari pa ring manghuli at mag-issue ng ticket ang mga traffic enforcer ng mga LGU sa Metro Manila.
Maaari rin aniyang maghain ng motion for reconsideration sa loob ng 15 araw ang mga lokal na pamahalaan, lalo na sa pagkwestyon ng kanilang kapangyarihan na sila ay maaaring manghuli at mag-issue ng ticket sa mga pasaway na motorista.
Sinabi ni Artes na sa darating na Martes, tatalakayin ng MMDA at MMC ang naging desisyon ng Korte Suprema. Kailangan aniyang pag-aralan at pag-planuhan ang magiging implikasyon ng naturang desisyon. | ulat ni Diane Lear