Hinimok ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang mga lokal na pamahalaan na magpatupad ng mga ordinansa upang matugunan ang epekto ng El Niño na inaasahang tatagal hanggang sa Mayo.
Sa inaprubahang resolusyon, ang Metro Manila Council (MMC) ay naglatag ng mga panukala upang maibsan ang epekto ng El Niño gaya ng rainwater harvesting o pagtatayo ng catchment areas, pagbabawas sa paggamit ng tubig sa maintenance golf courses, pag-recycle ng tubig para sa paglilinis ng mga sasakyan at pagdilig ng mga halaman, pagsasaayos ng sirang tubo ng tubig, at pagtatayo ng water filtration system.
Ayon kay MMDA Chairperson Atty. Don Artes, mayroon nang nagawang disensyo para sa rainwater catchment system ang MMDA na ipamamahagi sa mga Metro Manila LGU.
Dalawa aniya sa catchment system na idinisenyo ng MMDA ang naka-install na sa Tripa de Gallina Park sa Makati City, kung saan ang rainwater harvesting tank ay itinayo malapit sa public toilet upang magamit ang tubig para sa toilet flushing.
Pinawi rin ng MMDA ang pangamba ng publiko, na walang mangyayaring water rationing at water interruptions ngayong buwan ayon sa Metropolitan Waterworks and Sewerage Systems dahil may sapat na supply ng tubig para sa lahat ng concessionaires.
Sa kabila nito, nagpaalala ang MMDA sa publiko na hindi ito dahilan para mag-aksaya ng tubig. | ulat ni Diane Lear