Nagsagawa ng pulong ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), Land Transportation Office (LTO), mga lokal na pamahalaan, at iba pang stakeholders sa punong tanggapan ng MMDA sa Pasig City.
Ito ay upang talakayin ang binubuong implementing rules and regulations (IRR) kaugnay sa ipinasang resolusyon ng Metro Manila Council sa pagbabawal ng e-bikes at e-trikes sa national roads sa Metro Manila.
Layon nitong madinig ang mga saloobin ng lahat ng stakeholders sa bubuuing IRR.
Ayon kay MMDA Acting Chairperson Atty. Don Artes, bukas sila sa lahat ng suhestisyon ng mga stakeholder at tiniyak na hindi naman sa lahat ng kalsada ay ipinagbabawal ang e-bikes at e-trikes.
Nabatid na naglabas ng listahan ang MMDA kung saang mga kalsada na ipagbabawal na dumaan ang e-bikes at e-trikes.
Binigyang diin din ng MMDA sa pulong, na dumoble na ang bilang ng mga aksidente na kinasasangkutan ng e-vehicles simula 2019 hanggang 2023.
Matatandaang naglabas ng resolusyon ang MMC sa pagbabawal ng e-bikes at e-trikes sa national roads at ang mahuhuli ay may multang P2,5000. | ulat ni Diane Lear