Pormal na napabilang sa Philippine Navy Reserve Force ang 119 na volunteer na nakakumpleto ng Basic Citizen Military Course (BCMC) sa Basco, Batanes nitong Sabado.
Ang seremonya sa Basco Municipal Gymnasium ay pinangunahan ni Philippine Navy Flag Officer in Command Vice Admiral Toribio Adaci Jr., at Batanes Governor Hon. Marilou Cayco, na panauhing pandangal.
Sa kanyang mensahe, binigyang diin ni Vice Admiral Adaci ang kahalagahan ng pagpapalakas ng Naval Reserve Force bilang bahagi ng Philippine Navy Archipelagic Defense Strategy, upang ma-protektahan ang Exclusive Economic Zone (EEZ) ng Pilipinas.
Ayon kay Vice Admiral Adaci, ang dagdag na manpower, expertise, at suporta ng mga reservist ay mahalaga sa maritime defense at humanitarian and disaster relief operations dahil taglay nila ang mahalagang kasanayan at kaalaman mula sa labas ng militar.
Ang mga bagong reservist na inorganisa at sinanay ng Naval Reserve Command sa pamumuno ni Major General Joseph Ferrous Cuison PN(M), sa tulong ng Naval Forces Northern Luzon, at Naval Reserve Center Northern Luzon, ay magsisilbing force multiplier sa pangangalaga ng maritime security sa Batanes at hilagang bahagi ng bansa. | ulat ni Leo Sarne
📸: SN2 Nastor PN/NPAO