Hinimok ng National Economic and Development Authority (NEDA) ang publiko, lalo na ang mga stakeholder sa labor sector na makiisa sa gagawing konsultasyon para sa bubuuing ‘Trabaho Para sa Bayan’ Plan.
Ito ay matapos na malagdaan ang Implementing Rules and Regulations (IRR) ng ‘Trabaho Para sa Bayan’ Act ngayong hapon.
Ayon kay NEDA Secretary Arsenio Balisacan, minamandato ng nasabing batas ang pagbuo ng isang master plan na magsisilbing gabay upang makalikha ng kalidad na mga trabaho at maiangat ang kakayahan ng mga Pilipino.
Binigyang diin din ng kalihim na ang TPB Plan ay tutugon sa mga issue upang maabot ang inclusive at quality employment.
Tiniyak naman ni Balisacan na ang bubuoing polisiya ay makatutulong sa kondisyon ng mga babaeng manggagawa at nakatuon sa pagsuporta sa mga vulnerable sector, gayundin ang mga nasa creative industry. | ulat ni Diane Lear