Ipapatupad ng Bureau of Customs–Port of Cebu ang e-Travel Customs System para payagan ang mga airline passenger at crew members na darating sa Mactan Cebu International Airport (MCIA) na kumpletuhin ang customs baggage at currency declaration online.
Alinsunod ito sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na i-digitalize ang lahat ng pamamaraan sa customs, kabilang ang deklarasyon ng mga dutiable items pagdating sa paliparan.
Ayon kay Subport of Mactan Customs Collector Gerardo Campo na ang mga pasaherong darating sa Cebu sa pamamagitan ng MCIA ay makararanas ng kadalian sa pagdedeklara ng kanilang dutiable items o items sa commercial quantity gamit ang e-Travel Customs System.
Nakipagtulungan ang BOC-Cebu sa Department of Information and Communications Technology (DICT) sa pagbibigay ng connectivity para patakbuhin ang portal ng e-Travel Customs System.
Sa pagdating ng mga pasahero at crew, hindi na pupunuan ang customs declaration slips sa halip ay mag-log in sa website ng e-Travel Customs System sa pamamagitan ng www.etravel.gov.ph o sa pamamagitan ng pag-scan sa quick response (QR) code 72 oras bago ang kanilang nakatakdang pagdating sa MCIA. | ulat ni Mary Rose Rocero