Inihayag ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na tuloy na sa April 15 ang pagbabawal ng pagdaan ng e-bikes at e-trikes sa national roads sa Metro Manila.
Ito ang sinabi ni MMDA Acting Chairperson Atty. Don Artes sa isinagawang pulong balitaan ngayong araw sa punong tanggapan ng ahensya sa Pasig City.
Sa kabila ito ng mga kontra ng ilang stakeholders sa pagpapatupad ng naturang regulasyon.
Nilinaw naman ni Artes, na hindi bago ang naturang regulasyon dahil noong 2020 at 2023 aniya ay nag-issue na ang Department of the Interior and Local Government ng katulad na prohibition, gayundin ang Land Transportation Office noong 2022.
Ayon kay Artes, isinama nila ang laman ng naturang prohibition sa resolusyon na binuo ng MMDA.
Paliwanag pa ng opisyal, na hindi ito total ban at hindi pinagbabawalan na lumabas ang e-bikes at e-trikes pero may ilang kalsada lamang na hindi sila maaaring dumaan, lalo na aniya sa national roads na naglalakihan ang mga sasakyan.
Aminado naman si Artes na hindi naging prayoridad ang pagpapatupad ng nasabing regulasyon noong nakalipas na mga taon, pero ngayong tumataas na aniya ang bilang ng aksidente na kinasasangkutan ng e-vehicles kailangan ng i-regulate ang paggamit nito.
Batay sa datos ng MMDA, mahigit 900 kaso ang aksidenteng kinasangkutan ng e-vehicles noong 2023 at apat dito nasawi. | ulat ni Diane Lear