Siniguro ng Department of Agriculture na hindi titigil ang National Food Authority sa mandato nitong pagbili ng palay sa mga magsasaka lalo na ngayong simula na ng anihan.
Ayon kay DA Spokesperson Asec. Arnel De Mesa, kasama sa direktiba ni Agri Sec Francisco Tiu Laurel ang makapagtalaga agad ang NFA ng mga kapalit sa mga nasuspindeng opisyal at warehouse supervisors nang hindi maantala ang operasyon ng ahensya.
Dagdag pa nito, may nakalaang pondo na P17 bilyon ang NFA para bumili ng palay sa mga magsasaka kasama na ang natirang pondo nitong P8 bilyon noong nakaraang taon.
Sa kasalukuyan, nasa P19.00 -P23.00 ang buying price ng NFA ng palay.
Kaugnay nito, sinabi rin ni Asec. De Mesa na sinisikap ng NFA na masigurong hindi kakapusin ang buffer stock ng palay na kailangan sa panahon ng kalamidad sa bansa.
Aniya, kasama sa posibleng talakayin ng NFA council ang pagbaba sa buying price ng palay para makasabay din sa presyuhan ng traders at piliin ito ng mga magsasaka. | ulat ni Merry Ann Bastasa