Pinag-aaralan ng Philippine National Police (PNP) ang posibleng pagsasampa ng kasong Obstruction of Justice sa pamilya ng namatay na Bureau of Corrections (BuCor) Officer na si Ricardo Zulueta, dahil sa pagkakanlong sa wanted na indibidwal.
Si Zulueta, na kapwa akusado ni dating BuCor Director Gerald Bantag sa kasong pamamaslang sa mamamahayag na si Percy Lapid, ay ilang buwang nagtago sa batas bago siya namatay noong Biyernes ng gabi.
Ayon kay PNP Public Information Office Chief Police Colonel Jean Fajardo ang kapatid at common law wife ni Zulueta ang kanyang kasama nung siya ay namatay sa Bataan, at bineberipika ngayon ng Bataan Provincial Police Office kung totoong dumating lang doon si Zulueta noong araw bago siya namatay.
Samantala, sinabi ni Fajardo na naniniwala ang PNP na walang foul play sa pagkamatay ni Zulueta na cerebrovascular disease intracranial hemorrhage na nakalista na sanhi ng pagkamatay sa death certificate.
Sinabi ni Fajardo na naiintindihan nila ang alinlangan ng ilan hinggil sa katotohanan sa likod ng pagkamatay ni Zulueta, ngunit nakadepende pa rin aniya sa desisyon ng kaniyang pamilya kung ipapa-awtopsiya ang bangkay. | ulat ni Leo Sarne