Giniit ni Senador Alan Peter Cayetano na dapat nakabatay sa mabusising pag-aaral ang pagpapatayo ng Bulacan Economic Zone dahil una na itong na-veto ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Sa naging interpellation ni cayetano para sa naturang panukala, sinabi nitong masyadong malaki ang proyektong ito para madaliin.
Binigyang-diin ni Cayetano ang kahalagahan ng komprehensibong pag-aaral sa panukalang Bulacan Ecozone, kabilang ang cost-benefit analysis mula sa National Economic and Development Authority (NEDA), para masiguro na ang proyekto ay kapaki-pakinabang para sa bansa, lalo na’t ang proposed economic zone ay malapit sa Clark Freeport and Special Economic Zone.
Paliwanag ng mambabatas, ang Clark Freeport zone ay pagmamay ari ng gobyerno kaya kailangan iting protektahan.
Una nang sinabi ng sponsor ng panukala na si Senadora Grace Poe na hindi pa rin nakapagbibigay ng komprehensibong pag aaral ang NEDA tungkol sa economic zone hanggang sa ngayon.
Dahil dito, kinuwestiyon ni Cayetano ang batayan ng bisyon ng panukalang batas na makapag-ambag sa paglago ng ekonomiya ng bansa, at sinabing mas maasahan ang mga pag-aaral. | ulat ni Nimfa Asuncion