Asahan na ang kaliwa’t kanang maintenance sa mga proyekto at serbisyong ibinibigay ng pamahalaan sa publiko, simula mamayang gabi.
Sa Bagong Pilipinas Ngayon, sinabi ni MMDA Atty. Victor Nuñez na pagpatak ng alas-11:00 ng gabi mamaya, magsisimula ang 47 road reblocking at road repairs ng DPWH.
Kabilang dito ang ilang kalsada, mula sa Mindanao Avenue, Batasan Road, EDSA, Commonwealth, West Avenue, Roxas Boulevard, Quirino Avenue, at Luzon Avenue.
Tatagal ito hanggang alas-5:00 ng madaling araw ng Lunes (April 1).
Ang ilang water concessionaires, isasasabay na rin ang pagkukumpuni o maintenance ng kanilang pipelines sa EDSA.
Kabilang rin sa mga tututukan ng pamahalaan ang sidewalk clearing operations, lalo na sa paligid ng mga dinarayong simbahan.
Ang mga linya ng tren, tulad ng LRT at MRT ay magkakaroon rin ng maintenance.
Titiyakin aniya ng pamahalaan na hindi makakaabala ang mga pagsasaayos na ito, sa pagbabalik sa trabaho ng publiko, sa Lunes (April 1). | ulat ni Racquel Bayan