Eksakto alas 6:31 ng gabi (March 12), dumating sa The Chancellery Grounds si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. para sa opisyal na pagsisimula ng Working Visit ng Pangulo sa Berlin, Germany.
Sinalubong si Pangulong Marcos ni German Chancellor Olaf Scholz, para sa arrival honors na iginawad sa pangulo.
Present rin sa kaganapan sila Foreign Affairs Secretary Enrique Manalo, Trade and Industry Secretary Alfredo Pascual, PCO Secretary Cheloy Velicaria – Garafil, House Speaker Martin Romuladez, at Philippine Ambassador to Germany H.E. Irene Susan Natividad.
Susundan ito ng tete-a-tete sa pagitan ng dalawang lider kung saan inaasahang matatalakay ang pagpapalalim pa ng ugnayan ng Pilipinas at Germany.
Sa pulong na ito rin nakatakdang malagdaan ang mga kasunduang magpapatatag sa balikatan ng dalawang bansa, partikular sa linya ng maritime cooperation at cooperation programme sa pagitan ng TESDA ng Berlin at Maynila.
Agad naman itong susundan ng joint press conference ng dalawang lider, (8pm – PH time) kung saan ilalatag ng dalawang lider ang mga napagusapan sa pulong.| ulat ni Racquel Bayan