Tiwala si Senador Sonny Angara na magbubunga ng positibong epekto sa pagpapatupad ng mga programa at proyekto ng gobyerno ang isinusulong na panukalang amyenda sa Government Procurement act.
Naiprisinta na ni Angara sa plenaryo ng Senado ang Senate Bill 2593 o ang panukalang Government Procurement Reform Act.
Ang GPRA, na priority measure din ng Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC) ay inaasahang makatutulong na mas mapabillis at mas mapahusay ang government procurement process.
Kabilang sa mga isinusulong na reporma sa GPRA ay ang pag-aatas sa mga ahensya ng pamahalaan na magkaroon ng maayos na planning at maagang pagpapatupad ng procurement activities.
Nakapaloob rin sa panukala ang tinatawag na Most Economically Advantageous Responsive Bid (MEARB), ang tutugon sa mga usapin hinggil sa award criterion na nakalahad sa RA 9184.
Sa pamamagitan nito, titiyaking hindi lamang makatitipid ang pamahalaan, kung hindi sisiguruhin ding de kalidad rin ang produkto o serbisyong mabibili nito.
Aatasan sa ilalim ng panukalang batas na ito ang Department of Budget and Management (DBM) na lumikha ng procurement positions sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno, para masiguro na mahuhusay at propesyonal ang mga itatalagang procurement practitioners ng pamahalaan. | ulat ni Nimfa Asuncion