Nagpaabot ng kanyang pakikiramay si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa mga pamilyang naiwan ng malagim na pag-atake ng ISIS group sa isang concert hall sa Moscow, Russia.
Sa mensahe ng Pangulo sa kanyang X account, sinabi ng Pangulo na labis niyang ikinalulungkot ang pangyayari na bunga ng aniya’y walang saysay na gawa ng terorismo.
Kaisa aniya siya ng mga kumokondena sa nangyaring pag-atake na kung saan ay halos nasa 200 ang nasugatan at hindi bababa sa 115 ang nasawi.
Sinasabing nakasuot ng camouflage ang mga miyembro ng ISIS na nagsagawa ng pamamaril.
Base sa mga paunang ulat, nasa 11 nang indibidwal ang nakadetine kabilang ang apat na teroristang direktang dawit sa malagim na pag-atake. | ulat ni Alvin Baltazar