Binalaan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang publiko laban sa paglaganap sa merkado ng marijuana-laced electronic cigarettes, o kilala bilang vapes.
Nadiskubre ng PDEA kamakailan sa anti-illegal drugs operations na may pagtaas ng presensya ng vaping products na may marijuana oil.
Dalawang drug personalities ang naaresto sa magkahiwalay na anti-drug operations ng PDEA sa Taguig City at nakumpiska ang cannabis oil at marijuana kush, bukod sa iba pang vaping devices, na nagkakahalaga ng Php 842,000.
Noong nakalipas na linggo, naharang ng PDEA at ng Bureau of Customs (BoC) ang 18 balikbayan boxes na naglalaman ng cannabis oil at marijuana kush sa Port Area, Manila.
Nakatago ang illegal drugs sa loob ng e-cigarettes na nagkakahalaga ng Php 337 million.
Naniniwala ang PDEA na ang bentahan at smuggling ng mariuana oil-cartridges ay pahiwatig na lumalaki ang domestic demand ng mga produktong ito.
Apela ng PDEA sa publiko na huwag tangkilikin ang marijuana-laced e-cigarettes dahil sa panganib na dala nito sa kalusugan at higit sa lahat ipinagbabawal ng mga awtoridad.| ulat ni Rey Ferrer