Nilinaw ni Senior Deputy Speaker Aurelio ‘Dong’ Gonzales Jr. kung bakit hindi natuloy ang pagsalang sa interpelasyon ng Resolution of Both Houses No. 7 o panukalang economic charter change nitong Lunes.
Naiakyat ang RBH7 sa plenaryo hanggang sponsorship speech ngunit sinuspindi ang period of interpellation and debate.
Aniya, humingi ang mga miyembro ng sapat na oras para aralin ang committee report ng RBH7.
Binigyang daan din nila ang pag-apruba ng iba pang mahahalagang panukalang batas lalo at sa susunod na linggo ay nakatakda nang mag-Holy Week break ang Kongreso.
Sabi pa ni Gonzales, inaasahan na sa pagpapatuloy ng pagdinig ng RBH7 ngayong araw ay mayroon nang pitong mambabatas mula minorya para magtanong maliban pa sa mga taga-majority kaya maaaring umabot ng hanggang 14 na oras ang diskusyon.
Aniya, bibigyan nila ng pagkakataon ang lahat ng miyembro na nais makapagtanong.
Sa kabila naman nito tiwala pa rin si Gonzales na masusunod nila ang timeline na pagtibayin ang RBH7 bago ang session break. | ulat ni Kathleen Jean Forbes