Ipinag-utos na ni QC Mayor Joy Belmonte ang agarang responde sa sakit na ‘pertussis’ o whooping cough sa lungsod.
Ito kasunod ng deklarasyon ng LGU ng ‘petrussis outbreak’ matapos na sumipa sa 23 ang naitalang kaso sa lungsod kung saan apat na ang nasawi.
Ayon kay QC Epidemiology and Surveillance Dept Chief Dr. Rolly Cruz, kadalasang biktima ng sakit sa lungsod ay mga sanggol na wala pang anim na buwang gulang ang edad.
Sa kasalukuyan, 14 na barangay na ang apektado ng pertussis sa QC kung saan pinakamarami ang kaso sa Brgy. Payatas B.
Paliwanag ni Dr. Cruz, ang spike sa kaso ng pertussis ay dulot ng kawalan ng bakuna ng mga sanggol.
Tiniyak naman ni QC Mayor Joy Belmonte na walang dapat ikabahala ang mga residente dahil nakatutok na ang pamahalaang lungsod para agad na matugunan ang sitwasyong ito.
Kabilang sa hakbang ng LGU ang pinaigting na surveillance, at contact tracing para maiwasan ang pagkalat ng sakit.
Plano na rin ng pamahalaang lungsod na bumili ng sariling Pentavelant Vaccine panlaban sa kumakalat na pertussis.
Kaugnay nito, pinayuhan naman ng LGU ang mga residente na sundin ang tamang respiratory hygiene lalo na kapag umuubo, at ugaliin pa rin ang tamang pag-iingat gaya ng regular na paghuhugas ng kamay.
Para sa mga may anak na sanggol pa, iwasan munang dalhin ito sa matataong lugar.
Hinikayat din ang mga may sintomas ng ubo na agad magpakonsulta sa pinakalamalapit na health center, magsuot ng face mask at huwag munang lumapit sa mga sanggol. | ulat ni Merry Ann Bastasa