Nanawagan ang isang party-list representative sa Department of Agriculture na bigyang prayoridad ang development ng climate-resilient variety ng pangunahing crops ng bansa, upang mabawasan ang epekto ng El Niño sa ating pananim.
Kasunod na rin ito ng anunsyo ng DA na umabot na ng P1.75 billion ang pinsalang natamo sa agrikultura dahil sa matinding tagtuyot.
Sabi ni AGRI partylist Rep. Wilbert Lee mayroom nang mga naunang pag-aaral ang International Rice Research Institute kaugnay sa climate-resilient na palay na kayang mabuhay at mamunga sa gitna ng extreme climate conditions.
Kailangan na lang aniya linangin ang naturang teknolohiya para makabenepisyo ang ating mga magsasaka.
Sa paraan aniyang ito ay masisiguro ang food security sa gitna ng climate change.
“Panahon na upang pagtuunan natin ng pansin ang pagdevelop ng climate-resilient na palay at mais para maibsan ang epekto ng El Niño sa hinaharap. We need to utilize and maximize all available agricultural technologies so as to make our farmers—our food security soldiers—more resilient to climate change,” giit ni Lee
Batay sa datos ng DA nasa walong rehiyon ang pinaka apektado ng El Niño.
Ito ang Ilocos, Cagayan Valley, Central Luzon, Calabarzon (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal and Quezon), Mimaropa (Mindoro, Marinduque, Romblon and Palawan), Western Visayas, Zamboanga Peninsula, at Soccsksargen.
Pinakatinamaan ang Mimaropa, kung saan nakapagtala ng P770 million na halaga ng agricultural damage, sinundan ito ng Western Visayas na may ₱560 million; Cagayan Valley, ₱180 million; Central Luzon, ₱158 million; Ilocos, ₱54 million; Zamboanga peninsula, ₱13 million; Calabarzon, ₱7 million, at Soccsksargen, ₱2 million. | ulat ni Kathleen Forbes