Nagsama-sama ang koalisyon ng transport group na kabibilangan ng mga driver at operators ng pampasaherong jeep, tricycle, taxi, at bus para ipanawagan sa gobyerno ang pagpapatigil sa planong pagpapalawak pa sa motorcycle taxi operations sa Metro Manila.
Sa isinagawang pulong balitaan ng grupo sa QC, nakiusap ang mga itong suspindihin ang MC taxi expansion dahil malaki na ang epekto nito sa kabuhayan ng mga lehitimong driver at operator ng public utility vehicles (PUVs)
Hiniling din ng grupo na pag-aralan muna ang pagdagdag ng 10,000 Transport Network Vehicle Service (TNVS) slots lalo’t masyado nang masikip ang mga kalsada sa Metro Manila.
Dadagdag lang aniya ito sa problema sa kalsada na taliwas sa hangad ng PUV modernization program ng pamahalaan.
Para sa grupo, dapat na masusing ikonsidera ang pagkakaroon ng supply cap, o tamang bilang lamang na dapat pahintulutang bumiyahe na magiging patas at hindi naman papatay sa hanapbuhay ng iba pang PUVs.
“Kailangan po namin ng aksyon mula sa LTFRB na magbibigay proteksyon sa aming mga driver at operator, at hindi yung lalo pang magpapahirap sa amin.”, sabi ni Ariel Lim.
Ngayong Semana Santa, umaasa ang grupo na sila’y mapakinggan ng pamahalaan nang hindi naman sila mapilitang tumigil sa pamamasada.
Kasama sa koalisyon ng transport group ang Pasang Masda, Liga ng Transportasyon at Operators sa Pilipinas (LTOP), Association of Taxi Operators of Metro Manila (ATOMM), Inland Haulers and Truckers Association (INHTA), National Confederation of Tricycle Operators and Drivers Associations of the Philippines (NACTODAP), Lawyers for Commuters Safety and Protection (LCSP), at Motorcycle Rights Organization (MRO). | ulat ni Merry Ann Bastasa