Nagpahayag ng kahandaan ang PNP na tulungan ang Senado sa pagsisilbi ng warrant of arrest laban kay Kingdom of Jesus Christ leader Pastor Apollo Quiboloy.
Pero nilinaw ni PNP Public Information Office Chief Police Col. Jean Fajardo, kung sakaling maglabas ng warrant of arrest ang Senado, ang magiging partisipasyon ng PNP ay limitado sa pagbibigay ng seguridad sa Senate Seargent-at-Arms na siyang magpapatupad nito.
Ayon kay Fajardo, ganito din ang ginawa nilang pagtulong sa Kongreso sa pagsisilbi ng warrant.
Samantala, sinabi naman ni Fajardo na sa ngayon ay wala pang komunikasyon o hindi pa nakikipag-ugnayan ang Senado sa PNP sa paghahain ng warrant.
Matatandaang sa nangyaring pagdinig ng Senado kahapon, hiniling ni Senator Risa Hontiveros ang pag-iisyu ng warrant laban kay Quiboloy dahil sa pagbalewala nito sa subpoena at hindi nito pagsipot sa mga pagdinig ng Senado kaugnay sa kaso nitong sexual abuse. | ulat ni Leo Sarne