Puspusan na ang ginagawang paghahanda ng Philippine National Police (PNP) sa retirement honors para kay PNP Chief P/Gen. Benjamin Acorda Jr. gayundin change of command sa bagong liderato ng Pambansang Pulisya.
Nabatid na bukas, Marso 27 isasagawa ang naturang seremoniya kung saan, inaasahan na pangungunahan ito ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Bagaman sa Marso 31 pa ang extension ni Acorda bilang ika-29 na PNP Chief, natapat ng Linggo ng Pagkabuhay ang naturang petsa kaya’t isasagawa na bukas ang retirement honors at change of command para rito.
Una nang ipinabatid ni PNP Public Information Office Chief, P/Col. Jean Fajardo na ang mga Police Generals na may ranggong Brigidier General hanggang Lieutenant General ay kuwalipikado bilang kanilang maging pinuno.
Maliban sa miyembro ng Command Group at mga pinuno ng Area Police Command, kabilang sa mga matutunog na pangalan ay sina Director for Comptrollership, P/MGen. Rommel Francisco Marbil; Director for Operations, P/MGen. Ronald Lee.
Gayundin sina CIDG Dir. P/MGen. Romeo Caramat, SAF Director P/MGen. Bernard Banac at NCRPO Director, P/MGen. Jose Melencio Nartatez Jr.
Inaasahang anumang oras mula ngayon hanggang bukas, i-aanunsyo ng Malacañang kung ano ang pasya ni Pangulong Marcos hinggil sa liderato ng PNP. | ulat ni Jaymark Dagala