Patuloy pa nga ang pagbaba ng presyo ng bigas sa mga pamilihan sa Metro Manila.
Sa pag-iikot ng Radyo Pilipinas sa Kalentong Public Market sa Mandaluyong City, mayroon nang nagtitinda ng P45 kada kilo ng regular-milled rice.
Ayon sa ilang nagtitinda ng bigas, ito’y dahil sa patuloy ang pagdagsa ng suplay ng bigas, ito ma’y imported o lokal lalo’t may ilang mga lugar na ang nakapag-ani na ng palay habang may iba na ngayon pa lamang nag-aani.
Gayunman, sinabi ng mga ito na nananatili pa rin sa P50 hanggang P52 ang presyo ng well-milled rice.
Anila, hindi pa nila magawang maibaba ang presyo ng kanilang well-milled rice dahil sa nananatiling mataas ang logistics cost gaya ng transportasyon.
Gayunman, pasok pa rin ito sa pagtaya ng Department of Agriculture na P45 ang kada kilo ng regular-milled habang nasa P48 naman ang presyo ng kada kilo ng well-milled rice sa mga pamilihan. | ulat ni Jaymark Dagala