Bahagyang bumaba ang presyo ng sibuyas habang wala namang paggalaw sa presyo ng tilapia sa Agora Public Market sa San Juan City.
Kasunod ito ng ulat ng Philipppine Statistics Authority (PSA) na bumaba ang presyo ng ilang agri commodities gaya ng mga tilapia at sibuyas nitong ikalawang bahagi ng Pebrero.
Sa pag-iikot ng Radyo Pilipinas, naglalaro sa ₱100 kada kilo ang malaking pulang sibuyas habang nasa ₱120/kg ang maliit na pulang sibuyas.
Ayon sa ilang mga nagtitinda, mas mura kasi ang mga imported na sibuyas na mas malalaki ang sukat kumpara sa mga lokal.
Nananatili namang mababa ang presyo ng mga puting sibuyas na nasa ₱80 kada kilo.
Samantala, nagalalaro naman sa ₱150 hanggang ₱160 ang kada kilo ng tilapia depende sa pinanggalingan nito.
Una nang sinabi ng PSA, aabot sa ₱167.62 ang retail price sa kada kilo ng tilapia nitong ikalawang bahagi ng Pebrero na mas mataas kaysa sa kasalukuyang presyuhan nito.
Habang nasa ₱163.11 ang kada kilo ng pulang sibuyas noong nakaraang buwan na mas mababa kumpara sa ₱188.32 kada kilo ng bentahan noong ikalawang bahagi ng Enero. | ulat ni Jaymark Dagala