Naitala ng Philippine Statistics Authority (PSA) ang pagbaba ng presyo ng ilang agri commodities nitong ikalawang bahagi ng Pebrero.
Kabilang sa nagkaroon ng tapyas sa presyo ang tilapia, talong, pulang sibuyas, at pulang asukal.
Sa datos ng PSA, umabot sa ₱167.62 ang average retail price ng kada kilo ng tilapia nitong ikalawang bahagi ng Pebrero, na mas mababa kumpara sa ₱169.02 per kilo na bentahan noong unang quarter ng Pebrero at ₱168.52 kada kilong bentahan noong Enero.
Nasa halos ₱5 naman ang ibinaba ng presyo ng talong, na nitong huling bahagi ng Pebrero ay naglalaro na lang sa ₱86.18 mula sa ₱90-₱91 na retail price nito noong Enero.
Malaki naman ang tapyas sa presyo ng pulang sibuyas. Mula kasi sa ₱188.32 kada kilo na bentahan nito noong ikalawang bahagi ng Enero, bumaba na ito sa ₱163.11 kada kilo noong nakaraang buwan.
Maging ang asukal ay nasa ₱76.52 na lang ang kada kilo nitong huling bahagi ng Pebrero mula sa ₱78.10 kada kilo noong Enero.
Samantala, tumaas naman ang presyo ng regular milled rice, liempo, at calamansi nitong ikalawang bahagi ng Pebrero. | ulat ni Merry Ann Bastasa