Kinumpirma ng liderato ng Philippine National Police (PNP) na suspendido ng 31 araw na walang bayad ang isang Police Major matapos ireklamo ng pananakit ng mga Police trainee.
Ayon kay PNP Public Information Office Chief, P/Col. Jean Fajardo, ipinataw ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang suspension order laban kay P/Maj. Knowme Sia kasunod ng isinagawang summary hearing proceedings laban sa kaniya.
Subalit naghain si Sia ng Motion for Reconsideration noong March 6 kaya’t naantala ang pagpapatupad ng suspensyon at ngayon na ito pormal na naisilbi.
Nag-ugat ang kaso noong October 29 ng nakalipas na taon nang ipatawag ang 25 Police trainees para sana sa administrative announcement gayundin ay accounting para sa Barangay at SK Elections subalit na-late ang mga ito.
Dahilan upang magpuyos sa galit ang opisyal na noo’y nakatalaga bilang hepe ng Las Piñas City Police Administrative Resources Management Section at pinaghahampas niya ang mga ito gamit ang arnis.
Ayon kay Fajardo, nakatapos na ng kanilang pagsasanay ang mga biktima at ngayo’y regular nang mga miyembro ng Pulisya kaya’t iniatras na nito ang isinampang kasong kriminal laban kay Sia.
Subalit mananatili ani Fajardo ang kasong administratibo laban sa opisyal subalit kailangan munang hintayin ang magiging resulta ng inihain nitong mosyon. | ulat ni Jaymark Dagala