Suportado ni Bohol 3rd district Rep. Kristine Alexi Tutor ang desisyon ng pamahalaan panlalawigan ng Bohol na hingin ang tulong ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) para mamagitan sa isyu ng resort na ipinatayo sa gitna mismo ng Chocolate Hills sa Bohol.
Para sa mambabatas, tutol siya sa anumang hakbang na sisira sa estado ng Chocolate Hills bilang isang UNESCO Geopark at protected area salig sa Presidential Proclamation.
Sabi pa ni Tutor na suportado nito ang panawagan na ipa-demolish ang naturang resort.
Gayunman, naniniwala pa rin ang lady solon na dapat sundin ang due process.
Batay sa desisyon ng Provincial Board Committee on Environment and Natural Resources Protection, nananawagan sila na mamagitan si DENR Secretary Maria Antonia Yulo-Loyzaga sa isyu at ipatigil ang operasyon ng naturang resort.
Nag-viral kamakailan ang video ng resort na Captain’s Peak na pinuna ng mga netizen dahil nasa gitna mismo ito ng Chocolate Hills
Sa hiwalay naman na pahayag sinabi ni ACT Teachers PL Rep. France Castro na maghahain ng resolusyon ang Makabayan Bloc para paimbestigahan ito.
Giit ni Castro, kailangan matukoy kung papaanong nakalusot ang resort sa paanan ng Chocolate Hills gayung isa itong UNESCO World Heritage Site, isang National Geological Monument ng bansa at isang protected area.| ulat ni Kathleen Forbes