Dapat nang isumite ng Motorcycle Taxi Technical Working Group (TWG) ang ginawa nitong pilot study tungkol sa pagpapahintulot ng operasyon ng motorcycle taxis sa bansa.
Ito ang iginiit ni Senate Committee on Public Services Chairperson Senador Grace Poe sa gitna ng apela na itigil na ang expansion ng motorcycle taxis.
Ayon kay Poe, kailangan ng episyenteng pagpaplano at traffic assesment ang planong palawakin ang motorcycle taxi program sa iba pang mga lugar sa bansa at magbigay ng awtoridad sa iba pang mga kumpanya na makapag-operate.
Sinabi ng senador na kailangang maipakita ng TWG na talagang pinag-aralan nila ang magiging epekto ng motorcycle taxi operations sa mga commuter at sa mga service provider.
Dinagdag rin ni Poe na kailangan rin ng Kongreso ang naging pag-aaral ng TWG para matiyak na ang mga gagawing regulasyon ay makatutugon sa pangangailangan ng sektor ng transportasyon.
Aniya, bago pahintulutan ang full rollout ng MC taxi operations ay dapat munang tiyakin kung mayroong sapat na safety, security, at regulatory requirements na nakalatag. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion