Tiniyak ni PNP Public Information Office Chief at Spokesperson Police Col. Jean Fajardo na may sapat na “safeguards” ang PNP para masiguro na hindi maaabuso ang pagpapahintulot sa mga sibilyan na bumili at magmay-ari ng mga semi-automatic rifles.
Ayon kay Col. Fajardo, sa ilalim ng inamyendahang Implementing Rules and Regulations (IRR) ng RA 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act, kailangan pa ring dumaan sa mahigpit na proseso ang gun owner bago mabigyan ng License To Own and Possess Firearm (LTOPF).
Katulad na lamang aniya ang pagsasailalim sa neuro psychiatric exam, drug test at iba pang pagsusuri.
Bukod pa rito ang proseso ng pagkuha ng Permit to Carry Firearms Outside of Residence kung dadalhin naman ang baril sa labas ng tahanan.
Ayon kay Col. Fajardo, nakikita rin nila itong preventive measure laban sa pagdami ng loose firearms.
Sa tala ng PNP hanggang nitong Feb. 16, 2024, mayroong mahigit 703,000 ang may expired firearms registrations sa bansa. | ulat ni Leo Sarne