Tiniyak ng Philippine National Police (PNP) ang kahandaan nito sa paglalatag ng seguridad para sa gagawing plebesito sa Marawi City sa March 9.
Ito’y kasunod na rin ng paglikha ng tatlong bagong barangay partikular na ang Sultan Corobong, Sultan Panoroganan, at Angoyao.
Ayon kay PNP Public Information Office Chief, Police Colonel Jean Fajardo, kahapon ay nagsagawa ng Command Conference kung saan ay tinalakay ang mga gagawing hakbang para sa pebesito.
Siniguro rin ni Fajardo na may sapat silang mga tauhan para ipakalat sa nabanggit na lungsod.
Muli namang ipinaalala ng PNP na mahigpit na umiiral ang gun ban o ang suspensyon sa pagpapalabas ng Permit to Carry Firearms Outside of Residence sa Marawi City mula pa noong February 18 hanggang March 16. | ulat ni Jaymark Dagala