Hinikayat ni Senadora Risa Hontiveros ang executive branch na bilisan na ang paghahain ng resolusyon sa United Nations General Assembly (UNGA) na nananawagang itigil na ng China ang harassment sa mga Pilipino sa West Philippine Sea (WPS).
Ginawa ng senadora ang pahayag matapos ang bagong insidente ng pagsanggi at pambobomba ng water cannon ng China Coast Guard sa sasakyang pandagat ng Philippine Coast Guard (PCG) sa WPS.
Binigyang diin ni Hontiveros na ang pag-akyat ng isyung ito sa UNGA ay maaaring maging daan para itigil na ng China ang pag atake nila sa ating mga kababayan.
Noong nakaraang taon ay pinagtibay ng Senado ang Senate Resolution 718 na naghihikayat sa executive branch na gamitin ang lahat ng diplomatic means para mapatigil ang lahat ng iligal na aktibidad ng China sa WPS.
Binigyang diin rin ng resolusyon ang pangangailangan na kumuha ang Philippine government ng suporta mula sa ibat ibang bansa para pagpapatupad ng 2016 Arbitral Ruling, na hindi kumikilala sa nine-dash line claim ng China sa South China Sea.
Tiwala aniya ang mambabatas sa kapasidad ng mga diplomat ng Pilipinas na maisulong ito maging sa suporta mula sa international community.| ulat ni Nimfa Asuncion