Bukas si Senadora Nancy Binay na pahintulutang dumalo virtually si Kingdom of Jesus Christ (KOJC) leader Pastor Apollo Quiboloy sa pagdinig ng Senate Committee on Women tungkol sa mga alegasyon ng pang-aabuso diumano ni Quiboloy sa mga KOJC members.
Ayon kay Binay, ang mahalaga lang sa kanya ay magpakita o dumalo si Quiboloy sa pagdinig ng Senate panel.
Isa si Binay sa mga senador na miyembro ng Senate Committee on Women at hindi ito pumirma sa petisyon na bawiin ang contempt order na ibinaba ni committee chairperson Senadora Risa Hontiveros laban kay Quiboloy.
Paliwanag ng senadora, hindi siya pumirma dahil nirerespeto niya ang desisyon ng chairperson sa paglalabas ng contempt order.
Idinagdag rin ng mambabatas na hindi rin katanggap-tanggap na hindi imamandato ang isang resource person na magpakita sa Senate inquiry.
Ito lalo na’t para kay Binay, maituturing na seryoso ang mga alegasyon laban kay Quiboloy. | ulat ni Nimfa Asuncion