Pinagpapaliwanag ni Senate Committee on Tourism chairperson Senador Nancy Binay ang Department of Environment and Natural Resources (DENR), Protected Area Management Board (PAMB), Bohol Environment Management Office (BEMO), Provincial Environment and Natural Resources Office (PENRO) at ang lokal na pamahalaan ng Bohol kung bakit napahintulutan ang pagpapatayo ng resort sa gitna ng Chocolate Hills sa Bohol.
Kaugnay nito, inihain na ng senadora ang Senate Resolution 967 para makapagkasa ng Senate inquiry tungkol sa usapin.
Ayon kay Binay, nakakagalit at nakakadurog ng puso na makitang nakapagpatayo ng resorts sa paanan mismo ng Chocolate Hills.
Giit ng senadora, unang tingin pa lang ay alam nang may mali sa pagpapahintulot na magkaroon ng resort na mayroon pang cottages at swimming pools sa isang ‘classified natural monument’ sa ilalim ng
National Integrated Protected Areas System (NIPAS).
Binigyang diin rin ni Binay na isang protected UNESCO Geopark ang Chocolate Hills.
Sinabi ng Senate Committee on Tourism chairperson na nauunawaan niya ang kahalagahan ng development pero dapat ay mayroon pa ring boundaries.
Hindi aniya dapat idahilan ang tourism development sa basta-basta na lang na pagbibigay ng Environmental Compliance Certificate (ECC) lalo na kung makakasira ito sa isang natural monument ng bansa.| ulat ni Nimfa Asuncion