Hindi bababa sa 30 kabahayan ang naabo matapos sumiklab ang sunog sa 1st Camarilla Street sa bahagi ng 18th Avenue, Barangay.l San Roque sa Quezon City.
Batay sa impormasyon mula sa Bureau of Fire Protection-National Capital Region (BFP-NCR), sumiklab ang naturang sunog dakong alas-5:10 ng umaga at umakyat pa ito sa ikalawang alarma.
Mabilis na kumalat ang apoy dahil pawang gawa sa light materials ang mga kabahayan kung saan, sinasabing nagsimula ang apoy sa gitnang bahagi ng mga ito.
Dahil diyan, tinatayang nasa 50 pamilya ang apektado ng sunog na agad nagsilikas at inaasahang manunuluyan sa pinakamalapit na mga paaralan.
Idineklara namang fire under control ang sunog dakong ala-6:37 ng umaga.
Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon hinggil sa pinagmulan ng apoy at kung magkano ang iniwang pinsala ng sunog. | ulat ni Jaymark Dagala