Pinag-iingat ng Pamahalaang Lungsod ng Taguig ang mga residente nito hinggil sa sakit na Pertussis.
Ito ay bunsod sa patuloy na pagkalat ng nasabing sakit sa National Capital Region kung saan walo na ang naitatala sa Taguig City.
Ayon sa anunsyo ng Pamahalaang Lungsod ng Taguig nakahanda silang gamutin at alagaan ang mga matatamaan ng nasabing sakit.
Paliwanag ng lungsod, sapat anila silang kakayahan, gamot at kagamitan para iligtas ang mga tatamaan ng sakit na Pertussis.
Paalala ng Taguig, kung may kakilala na may sakit na Pertussis ay maaaring tumawag sa mga City Epidemiology and Disease Surveillance Unit sa numerong 0919 079 9193.
Ang sakit na Pertussis na tinatawag ding ‘whooping cough’ ay isang nakakahawang respiratory sickness na kumakalat sa pamamagitan ng droplets ng laway o sipon kapag ang isang tao ay umubo o bumahing.
Kabilang sa mga sintomas ng Pertussis ang tuyong ubo, hanggang sa maging matinding ubo o pagkahingal, paghina sa pagkain at hirap sa paghinga.
Ang sintomas ng Pertussis ay lalabas sa loob ng pito hanggang 10 araw matapos ang exposure.
Bagamat delikado ang nasabing sakit partikular sa mga sanggol ay maiiwasan ang sakit na Pertussis sa pamamagitan ng bakuna.
Magagamot din ito sa pamamagitan ng mabisang antibiotics. | ulat ni Lorenz Tanjoco