Lumagda sa isang Memorandum of Agreement (MOA) ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) sa isang International Cybersecurity and Information Technology Training Organization, para sa pagsasagawa ng cybersecurity training sa bansa.
Ayon kay TESDA Director General Secretary Suharto Mangudadatu, layunin nitong makapagbigay ng sapat na cybersecurity skills sa tulong ng CybersCool Defcon, Inc. na bahagi ng National Technical Education and Skills Development Plan 2023-2028.
Kung saan makatutulong aniya ito sa isang secure at reliable cyberspace para sa bawat Pilipino sa gitna ng iba’t ibang banta online, maging sa cyber terrorism sa bansa.
Sa ilalim ng kasunduan ng TESDA sa nasabing cybersecurity organization, sila ay magbibigay ng skills training, assessment at certification sa mga kwalipikadong benepisyaryo.
Na nasa edad 18 taong gulang pataas o high school graduate partikular na ang mga walang trabaho. | ulat ni AJ Ignacio