Bilang pagtugon sa panawagan ni Pangulong Ferdinand R. arcos Jr. na bigyang tulong ang mga biktima ng kalamidad, ay binuksan ng Government Service Insurance System ang emergency loan para tulungan ang mga miyembro nitong naapektuhan ng pagbaha sa lalawigan ng Agusan del Sur.
Ayon sa inilabas na pahayag ng GSIS, mayroon silang mahigit 17,000 miyembro sa lugar at mahigit 2,000 pensyonado dahilan kaya naglabas ang state pension fund ng P499 milyong pondo.
Paliwanag ng GSIS, makaka-avail ng nasabing emergency loan ang mga aktibong miyembro na bayad ng huling anim na buwan bago mag-file ng application at hindi naka-leave of absence without pay.
Wala rin dapat na pending administrative o criminal case at kinakailangan na may matitirang P5,000 sa sweldo nito bilang takehome pay matapos kaltasin ang monthly obligation sa loan.
Para naman sa old age pensioners, kinakailangan na may matitirang 25% ng pension nito matapos ang hulog sa loan at walang ibang kinakaltas na utang sa pension nito maliban sa pension loan.
Aabot sa P40,000 ang pwedeng utangin ng isang aktibong miyembro na may existing loan para mabayaran ang naunang utang nito habang hanggang P20,000 naman para sa walang pending loan
Ang emergency loan ay may 6% interest rate at tatlong taon na maaring bayaran.
Maaaring mag-apply ang mga miyembro sa GSIS touch mobile app na downloadable sa Google Playstore at Apple App Store. | ulat ni Lorenz Tanjoco