Alinsunod sa utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., nagpaabot ng tulong si Speaker Martin Romualdez sa pamilya ng anim na sundalong nasawi at anim na iba pang nasugatan sa pakikipaglaban sa teroristang grupong Dawlah Islamiyah-Maute sa Lanao del Norte noong February 18.
Ayon kay Deputy Majority Leader for Communications at ACT-CIS Party-list Representative Erwin Tulfo mahigit ₱4.14-milyong halaga ng cash, education, at livelihood assistance mula sa personal calamity at emergency fund ni Speaker Romualdez ang ibinigay sa 12 sundalo.
“The amount was released to them as per the instructions of President Bongbong Marcos Jr. Hindi po nito mababayaran ang buhay na nawala o ang pinsalang dulot ng digmaan, pero sana ay makatulong ito sa pamilya ng ating mga magigiting na sundalo,” ani Tulfo.
Maliban pa ito sa livelihood at educational assistance mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Labor and Employment (DOLE), at Commission on Higher Education (CHED).
Ipinaabot ng pamahalaan sa mga kaanak nina Corporal Rey Anthony Salvador, Corporal Reland Tapinit, Corporal Rodel Mobida, PFC Arnel Tornito, Pvt Michael John Lumingkit, at Pvt James Porras, mga nasawing sundalo, ang tulong.
Sina Agusan del Sur Representative Alfelito Bascug at Zamboanga City Representative Khymer Adan Olaso ang nagbigay ng tulong sa pamilya nina Porras, at Salvador.
Si Zamboanga del Sur 1st District Representative Divina Grace Yu naman ang nagpaabot ng tulong kina Lumingkit at Tornito.
Sina Yu at Zamboanga del Sur 2nd District Representative Jeyzel Victoria Yu naman ang nag-abot ng tulong sa pamilya Mobida.
Si Lanao del Norte 2nd District Representative Sittie Aminah Dimaporo naman ang nagbigay ng tulong sa pamilya ni Tapinit.
Habang personal namang iniabot ni Cagayan de Oro Representative Lordan Suan ang tukong sa mga nasugatang sundalo na sina Corporal Jaymark Remotigue, Corporal Ernil Quiñones, Corporal Rey Mark Limare, PFC Marvien Aguipo, Pvt Amiril Sakinal, at Pvt Nazareno Provido ang ayuda.
Ang pamilya ng mga nasawing sundalo ay binigyan ng hindi bababa sa ₱400,000 tulong—₱300,000 cash assistance, ₱30,000 educational aid sa bawat anak, at ₱100,000 na livelihood assistance.
Ang anim na sundalong sugatan naman ay nakatanggap ng ₱150,000 cash aid, ₱30,000 educational aid sa bawat anak, at ₱100,000 livelihood assistance.
Ayon kay Romualdez sa paraang ito ay mabigyang pugay at mapasalamatan ng pamahalaan ang kagitingan ng ating kasundaluhan.
“Ang mga hakbang na ito ay patunay sa pasasalamat at pangako ng bansa sa kagalingan ng ating mga tauhan ng militar at ng kanilang mga pamilya. Kinikilala natin ang malalim na sakripisyo ng ating mga sundalo para tiyakin ang ating kaligtasan at kalayaan. Nararapat lamang na suportahan natin sila at ang kanilang mga mahal sa buhay sa panahon ng pangangailangan,” sabi ni Romualdez. | ulat ni Kathleen Jean Forbes